Mga estudyante, nagpahayag ng impresyon sa ZPPSU at sa ‘Free Tuition program’ ng gobyerno

ZAMBOANGA PENINSULA POLYTECHNIC STATE UNIVERSITY (PIO) — Iilang mga mag-aaral ng Zamboanga Peninsula Polytechnic State University (ZPPSU), ay patuloy na nagpapahayag ng kani-kanilang mga personal na impresyon ukol sa unibersidad, partikular sa mga programang nagbibigay suporta sa kanilang pag-aaral.

Ayon kay Bb. Revilla, isang mag-aaral mula sa unang taon ng Batsilyer ng Sining sa Filipino, ang pag-aaral dito sa unibersidad ay isang oportunidad para sa katulad niyang may mga hangarin sa buhay.

“Ang ZPPSU ay hindi lamang isang lugar kung saan ako natututo, ito ay isang tahanan kung saan ang kinabukasan namin ay lubos na hinuhubog,” badya ni Shirina Revilla.

Sa karagdagan, binigyang-diin ng mga estudyante ang mga programang inaalok ng ZPPSU at ang pagkakataong magkaroon ng pribilehiyong makapagtapos ng may libreng matrikula.

Ang nasabing tulong pinansyal ay itinuturing na malaking hakbang sa pagtupad ng mga mithiin ng mga mag-aral lalo na sa mga nagnanais maging propesyonal sa hinaharap.

Gayunpaman, isang malinaw na pananaw ang nangingibabaw na ang programang Free Tuition ay isang malaking tulong sa gastusin sa pag-aaral. Sa halip na isipin ang bayarin, ang pokus ngayon ng mga mag-aaral ay ang mag-aral nang mabuti para sa kanilang kinabukasan. ‎

‎”Huwag maging kampante sa buhay, bagkus ay sikaping maging responsable sa pag-aaral. Edukasyon ay pahalagahan para sa magandang kinabukasan,” pangwakas na tugon ni Bb. Revilla. (Isinatitik nina: Dima A. Sampang at Angelica Quinta/JRA/ABC/Kuhang larawan: Oscar Araneta Jr./Public Information Office)

Scroll to Top