ZAMBOANGA PENINSULA POLYTECHNIC STATE UNIVERSITY (PIO) — Sa patuloy na pagsuporta ng Zamboanga Peninsula Polytechnic State University (ZPPSU) sa mga programang pangkaligtasan at kahandaan sa sakuna, matagumpay na isinagawa ng unibersidad ang Tsunami Awareness Symposium na ginanap sa gymnasium sa ika-16 ng Oktubre, ngayong taon.
Layunin ng naturang oryentasyon na palawakin ang kamalayan ng mga mag-aaral, guro at mga kawani ng unibersidad hinggil sa kahandaan sa panahon ng kalamidad, partikular sa mga insidente ng pagguho ng lupa, pagbagsak ng gusali at tsunami.


Sa pamamagitan ng gawaing ito, inaasahang higit pang mapalalakas ang kakayahan ng komunidad ng ZPPSU sa wastong pagtugon sa mga emerhensiya.
“Huwag gawing biro ang tsunami, sapagkat ito ay isang hindi inaasahang kalamidad,” paalala ni Engr. Allan Romell R. Labayog ng PHIVOLCS — Zamboanga, habang ibinabahagi ang kanyang kaalaman sa idinaos na symposium.
Higit pa, binigyang-diin din ni Ms. Josephine L. Sulasula, Pangalawang Pangulo para sa Pangangasiwa at Pananalapi, ang kahalagahan ng pagkakaisa at pakikilahok ng bawat isa sa mga ganitong aktibidad bilang paghahanda sa mga hindi inaasahang sakuna.


“To be oriented, to be ready and well-equipped, that should be the right thing to do,” sabi ni Bise-Presidente Sulasula.
Muling ipinapaalala ng programang ito na ang kalamidad ay hindi maiiwasan, ngunit sa tulong ng kaalaman, disiplina, at kahandaan, maaaring maiwasan ang matinding pinsala at pagkalagas ng buhay.
Pinangunahan ang kaganapan ng Office of the Disaster Risk and Reduction Management na pinamumunuan ni Dr. Michael Cabiles.


Ang kaganapan ay hindi lamang naghatid ng impormasyon ang nasabing symposium, kundi nagpatibay din ito ng kamalayan at pagkakaisa ng mga guro, kawani, at mag-aaral ng ZPPSU upang maging isang mapagmatyag at mapagligtas na komunidad. (Isinatitik ni: Oscar Jr. Araneta/JRA/Kuhang Larawan ni: Dima Sampang at Angelica Quinta/Public Information Office)